mabait ang amo ko. wala akong masasabi sa kanya. isa sya sa nagpaparamdam sa aming tatlo dito na kabilang kami sa grupo (susme parang dear charo lang ito). lagi syang nakangiti sa amin at laging handang tumulong sa lahat ng pagkakataon.
kahapon, inimbitahan nya kami sa isang party. waw, parang sosyal, party! hehehe, at wala raw kaming dahilang hindi sumama. dala na rin siguro ng hiya dahil maganda naman ang turing nya sa amin, sumama kami ni janise. si shine, naglaba. hehe. hindi napilit.
bakit may party? tanong ko sa kanya. wala lang, sosyalan lang. susme. sige. sama na kami. pahabol nya, sumama na rin kayo sa korean restawran para sa hapunan bago mag-inuman. sige. para na rin hindi kami maligaw sa sosyalan. nag-aabang pa lang kami ng tren, susme, mamatay-matay na kami sa ka-OPhan ni janise dahil 4 silang lalaki na iba-ibang lahi. makukulit sila. di naman siguro kami ma-OP kung naiintindihan namin yung mga pinagtatawanan nila. ganito ang pangyayari hanggang dinner. may mundo sila, may mundo rin kami ni janise. mahaba ang gabing ito, naisip ko.
pagkatapos ng hapunan, pumunta na kami sa wine bar. waw! d-vino ang pangalan nung bar. at naturalmente, wine daw ang nararapat na inumin dun. ayos. naaalala ko ang pag swirl swirl sa wine glass bago mo ito inumin. napapanood ko ito sa discovery pero 'di ko ginawa. nakakahiya. hahaha! dumarami na ang tao. patuloy sila sa pag-uusap. ayos lang, patuloy rin kaming nag-usap ni jan.
nakakarami na kami ng inom. naka 6 na baso ata kami (6 na bote ng alak, at lahat may parte sa bawat bote). sumuka ako sa banyo. dalawang beses. walangya, matapang din pala ang alak... mistulang juice nga lang naman sya, sabi ni janise. tuwing balik ko ng upuan ko galing suka, hala, ngiting ngiti ako sa kanilang lahat. ganun ako malasing. mayumi, nakangiti lang, mahinhin. hahaha!
maya-maya pa, napansin kong kinakausap na nila kami, at ang daldal na rin namin ni jan. hala, tuwang-tuwa naman kami sa mga usapan. super belong naman kami diba?! feeling close, brushing elbows. haha! mababait naman pala sila. hanggang sa dulo, talagang hindi na kami na-OP. salamat sa alak.
ang beso-beso dito ay beso-beso-beso. hahaha! 3 halik sa pisngi imbis na 2 lang. o diba, hanggang sa beso-beso-beso e kasali kami! bongga! mistulang sosyal! hahaha. nag-enjoy ako. hindi ako nagsisising sumama kami dahil maganda syang pagkakataon na makakilala ng ibang tao, makakilala ng kultura ng ibang lahi, at mapatunayan sa sarili ko na hindi naman pala sila aloof sa mga asyanong tulad ko. yun nga lang, umuwi akong bangag.
kaninang umaga, tinanong ako ng amo ko kung nag enjoy ako. sinabi ko ang totoo. sabi ko nung una, hirap kaming makisali. pero nung huli, masaya na kami. sabi nya, natuwa syang nakihalubilo kami at nakiride sa mga joke nila.
ang alak. bow.
p.s. dito nga pala, parang hindi uso ang pagpapakilala sa mga dayo sa grupo. hindi rin uso ang pag-entertain kagaya sa pinas pag may porenjers, parang todo asikaso tayo diba? sa team pag may bisita, special treatment. dito hindi ganun. parang responsibilidad mong magpakilala sa grupo at responsibilidad mong makibilang sa kanila. yun lang.
ang alak. bow.
4 years ago
No comments:
Post a Comment